Ang Larawan ni Pedro Calungsod

Ang pinaniniwalaang larawan ni Pedro Calungsod
Tuwing ika-2 ng Abril, ipinagdiriwang ng mga kababayan nating Katoliko dito sa Pilipinas, lalo na sa Visayas Region ang Pista ni Pedro Calungsod, ang ikalawang Pilipinong martir na pinaniniwalaang pinatay sa Guam noong 1672. Natanggap niya ang "beatus" mula kay John Paul II noong March 5, 2000, at mula noon ay marami nang mga Katoliko ang nagsimulang mag-alay ng panalangin sa kanya. Ang kanyang imahe ay makikita ngayon sa ilang mga simbahan sa bansa, lalo na kung inyong bibisitahin ang Blessed Pedro Calungsod Shrine sa Cebu City. Ayon sa mga deboto, maraming himala na raw, di umano, ang ipinamalas ng pananalangin kay Pedro Calungsod gaya ng pag-galing ng mga malulubhang sakit, paglutas ng mga suliranin at pagdating ng mga biyaya sa kanilang tahanan. Ang mga kwentong ito ang inaasahang magiging daan upang sa ikalawang pagkakataon ay magkaroong muli ng isa pang Pilipinong santo maliban kay Lorenzo Ruiz. Ngunit alam nyo ba na ang larawan na dinadalanginan, pinaghahandugan at ipinagpuprusisyon ng mga deboto ni Pedro Calungsod ay hindi mismong kanya? Opo. Sapagkat ang nasabing larawan ay hindi sa sinasabing martir kundi sa isang basketbolistang estudyane ng University of the East na si Ronal Tubid. Pinatotohanan ito sa aklat na isinulat ni C.G. Arevalo na pinamagatang "Pedro Calungsod: Taga Bisayang Binata na Karapat-dapat Hiranging Martir". Ayon sa aklat,

"Mga Larawan ni Pedro Calungsod: Hindi namin inisip na lumikha ng isang larawang kamukhang-kamukha ng batang martir. Walang may alam kung ano talaga ang kanyang itsura. Sa halip, tinanong namin ang aming sarili. "Ano kaya ang itsura ni Pedro Calungsod kung masasalubong namin siya bilang isa sa mga kabataan ngayon, isang may labimpito o labingwalong taong gulang mula sa Kabisayaan na maaaring tawagin ng Panginoon na sumaksi sa kanyang pananampalatayang Kristiyano?" Ang mga tanong na ito ang ibig sagutin ng aming mga larawan ng potensiyal na martir na taga Bisaya. Si Ronal Tubid ng Oton, Iloilo, at nag-aaral sa University of the East, ang tumayong modelo para sa mga larawang ito (sa pahina 19,20 at 21) na kuha ni Alan Bengzon sa Loyola House of Studies, Ateneo de Manila University."

 

Inaamin ng mga paring katoliko na walang nakakaalam ng tunay na itsura ni Pedro Calungsod, ngunit upang matugunan ang pangangailangang gumawa ng kanyang larawan, pinili nila ang larawan ng isang basketbolista upang magsilbing imahe ng batang martir. Sa kasalukuyan, ang larawan ni Ronald Tubid, at hindi ni Pedro, ang dinadalanginan at ipinag-puprusisyon ng mga Katoliko sa Visayas.

Gaano kaseryoso ang pagkakamaling ito, (yamang matatawag itong isang malaking pagkakamali)? Una, malaking kasalanan na paniwalain ang tao sa bagay na hindi naman totoo. Sasabihin ng mga pari na ang nasa larawan ay si Calungsod, ngunit ang totoo ay larawan ito ng isang pangkaraniwang estudyante. Pangalawa, ipagpalagay nating si Calungsod ang nagbibigay himala sa kanyang mga deboto. Kung ito'y totoo, hindi ba dapat ay mainis sa kanila si Calungsod dahil sa harapan ng ibang tao sila naninikluhod at nagpapasalamat? Sabi nga ng isang babaerong lasenggero sa kanyang asawa nang minsang mahuli itong nakikipaghalikan sa ibang babae, "Mahal, ang halik na 'yon ay para sa yo kaya wag ka nang magalit". Ganito rin ba ang katwiran ng mga sumasamba kay Calungsod? Habang siya ang kinikilala nilang martir, sa ibang tao naman sila nananalangin at nagpupuri. Sabi nga ng Pasyong Katoliko na inaawit-awit tuwing Semana Santa,

Dapat na maghinanakit
sa iyo ang Poong marikit
ginto’t pilak yamang munti,
sa iyo’y di ipinagkait
kay Baal mo ipinagsulit.
"Sa kasalukuyan, ang larawan ni Ronald Tubid, at hindi ni Pedro, ang dinadalanginan at ipinag-puprusisyon ng mga Katoliko sa Visayas."
Ang Dios ang nagbibigay ng mga biyaya at kagalingan sa tao, ngunit kay Baal nagpapasalamat at sumasamba ang mga tao. Habang ang Dios ang nagbibigay sa kanila ng buhay at kalakasan, kay Maria naman at sa kung sino-sinong santo naman sila nagpapasalamat at lumuluhod! Ganito rin ang naging kaso kay Pedro Calungsod. Kaya tama lamang ang pagkakasabi ng Banal ng Kasulatan, 
Habakkuk 2:18 Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao'y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan?





No comments: