Ang Larawan ni Pedro Calungsod

Ang pinaniniwalaang larawan ni Pedro Calungsod
Tuwing ika-2 ng Abril, ipinagdiriwang ng mga kababayan nating Katoliko dito sa Pilipinas, lalo na sa Visayas Region ang Pista ni Pedro Calungsod, ang ikalawang Pilipinong martir na pinaniniwalaang pinatay sa Guam noong 1672. Natanggap niya ang "beatus" mula kay John Paul II noong March 5, 2000, at mula noon ay marami nang mga Katoliko ang nagsimulang mag-alay ng panalangin sa kanya. Ang kanyang imahe ay makikita ngayon sa ilang mga simbahan sa bansa, lalo na kung inyong bibisitahin ang Blessed Pedro Calungsod Shrine sa Cebu City. Ayon sa mga deboto, maraming himala na raw, di umano, ang ipinamalas ng pananalangin kay Pedro Calungsod gaya ng pag-galing ng mga malulubhang sakit, paglutas ng mga suliranin at pagdating ng mga biyaya sa kanilang tahanan. Ang mga kwentong ito ang inaasahang magiging daan upang sa ikalawang pagkakataon ay magkaroong muli ng isa pang Pilipinong santo maliban kay Lorenzo Ruiz. Ngunit alam nyo ba na ang larawan na dinadalanginan, pinaghahandugan at ipinagpuprusisyon ng mga deboto ni Pedro Calungsod ay hindi mismong kanya? Opo. Sapagkat ang nasabing larawan ay hindi sa sinasabing martir kundi sa isang basketbolistang estudyane ng University of the East na si Ronal Tubid. Pinatotohanan ito sa aklat na isinulat ni C.G. Arevalo na pinamagatang "Pedro Calungsod: Taga Bisayang Binata na Karapat-dapat Hiranging Martir". Ayon sa aklat,

"Mga Larawan ni Pedro Calungsod: Hindi namin inisip na lumikha ng isang larawang kamukhang-kamukha ng batang martir. Walang may alam kung ano talaga ang kanyang itsura. Sa halip, tinanong namin ang aming sarili. "Ano kaya ang itsura ni Pedro Calungsod kung masasalubong namin siya bilang isa sa mga kabataan ngayon, isang may labimpito o labingwalong taong gulang mula sa Kabisayaan na maaaring tawagin ng Panginoon na sumaksi sa kanyang pananampalatayang Kristiyano?" Ang mga tanong na ito ang ibig sagutin ng aming mga larawan ng potensiyal na martir na taga Bisaya. Si Ronal Tubid ng Oton, Iloilo, at nag-aaral sa University of the East, ang tumayong modelo para sa mga larawang ito (sa pahina 19,20 at 21) na kuha ni Alan Bengzon sa Loyola House of Studies, Ateneo de Manila University."

 

Inaamin ng mga paring katoliko na walang nakakaalam ng tunay na itsura ni Pedro Calungsod, ngunit upang matugunan ang pangangailangang gumawa ng kanyang larawan, pinili nila ang larawan ng isang basketbolista upang magsilbing imahe ng batang martir. Sa kasalukuyan, ang larawan ni Ronald Tubid, at hindi ni Pedro, ang dinadalanginan at ipinag-puprusisyon ng mga Katoliko sa Visayas.

Gaano kaseryoso ang pagkakamaling ito, (yamang matatawag itong isang malaking pagkakamali)? Una, malaking kasalanan na paniwalain ang tao sa bagay na hindi naman totoo. Sasabihin ng mga pari na ang nasa larawan ay si Calungsod, ngunit ang totoo ay larawan ito ng isang pangkaraniwang estudyante. Pangalawa, ipagpalagay nating si Calungsod ang nagbibigay himala sa kanyang mga deboto. Kung ito'y totoo, hindi ba dapat ay mainis sa kanila si Calungsod dahil sa harapan ng ibang tao sila naninikluhod at nagpapasalamat? Sabi nga ng isang babaerong lasenggero sa kanyang asawa nang minsang mahuli itong nakikipaghalikan sa ibang babae, "Mahal, ang halik na 'yon ay para sa yo kaya wag ka nang magalit". Ganito rin ba ang katwiran ng mga sumasamba kay Calungsod? Habang siya ang kinikilala nilang martir, sa ibang tao naman sila nananalangin at nagpupuri. Sabi nga ng Pasyong Katoliko na inaawit-awit tuwing Semana Santa,

Dapat na maghinanakit
sa iyo ang Poong marikit
ginto’t pilak yamang munti,
sa iyo’y di ipinagkait
kay Baal mo ipinagsulit.
"Sa kasalukuyan, ang larawan ni Ronald Tubid, at hindi ni Pedro, ang dinadalanginan at ipinag-puprusisyon ng mga Katoliko sa Visayas."
Ang Dios ang nagbibigay ng mga biyaya at kagalingan sa tao, ngunit kay Baal nagpapasalamat at sumasamba ang mga tao. Habang ang Dios ang nagbibigay sa kanila ng buhay at kalakasan, kay Maria naman at sa kung sino-sinong santo naman sila nagpapasalamat at lumuluhod! Ganito rin ang naging kaso kay Pedro Calungsod. Kaya tama lamang ang pagkakasabi ng Banal ng Kasulatan, 
Habakkuk 2:18 Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao'y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan?





Tunay na Iglesia, Nasaan Nga Ba?



Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtigil ng maraming mga tao na hanapin ang katotohanan ay ang pagdagsa ng napakaraming relehiyon at iglesia sa ating panahon na pare-parehong nag-aangkin na sila daw ang tunay na samahang itinatag ng Dios at ng ating Panginoong Jesuscristo. Dahil sa pare-parehong pag-aangkin sa kabila ng sala-salabat na doktrina at sa lumalalang sistema ng sektaryanismo, marami na ang napagod na hanapin ang tunay na samahang dapat aniban upang maisakatuparan ang tunay na pagrerelehiyong itinuturo ng Banal na Kasulatan. Ang sabi ng Apostol na itinalaga sa mga Hentil, 

"Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan." (Efeso 5:23)

Si Cristo ang Tagapagligtas ng KATAWAN, "samakatwid baga'y ng Iglesia". Ngunit nasaan ang katawan? Nasaan ang tunay na Iglesia? Ito ba'y nasa mahigit apat na pu't dalawang libong denominasyong "Kristyano" na nakarehistro ngayon sa iba't ibang bansa sa mundo na itinatag ng mga taong "tinawag" daw ng Dios upang mangaral at ibalik ang mga tao sa Kanya? Maliwanag ang sinasabi ng Banal na Kasulatan, 

"Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo: malibang ingatan ng Panginoon ang bayan, walang kabuluhang gumigising ang bantay." (Awit 127:1)

Bawat bahay ay may nagtayo, at ang nagtayo ng bahay ng Dios ay ang Dios mismo. At ano ang bahay ng Dios?

"Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan." (I Timoteo 3:15)

Ang bahay ng Dios ay ang Kanyang Iglesia, na siya namang pinamumunuan ng Kanyang bugtong na Anak na si Jesucristo, kaya naman kung ang isang Iglesia o denominasyon na nagpapakilalang sa Dios ngunit ang nagtayo at ang namumuno ay tao... maliwanag na hindi ito ang bahay ng Dios. "Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtayo", ang sabi ng Banal na Kasulatan. Kung ang isang iglesia ay itinayo lamang ng tao at pinamumunuan ng tao, ano nga ba ang kabuluhan nito sa Dios? Wala, ayon sa Biblia.

Samakatwid, nasaan ang tunay na bahay ng Dios sa gitna ng mga walang kabuluhang iglesia sa ating panahon? Paano natin ito makikilala kung ito'y sa Dios o itinayo lamang ng tao? Ang sabi ng Apostol na si Pablo, 

"At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika." (I Corinto 12:28)

Ang tunay na Iglesia na itinayo ng Dios ay may mga apostol, may mga propeta, may mga guro, may himala, pagpapagaling, pagtulong, pamamahala, at mga wika. At lahat ng ito ay nasa Iglesiang itinatag sa Jerusalem. Kaya kung hahanapin natin ang tunay na Iglesia kailangang bumalik tayo sa Iglesiang pinaglagakan ng mga ito - samakatwid baga'y ang Iglesiang itinayo sa Jerusalem noong mga unang taon ng anno domini. Iyon ang tunay na Iglesia na itinayo ng Dios at ni Cristo, ang Iglesiang ipinangaral at pinangasiwaan ng mga apostol, at binili ni Cristo ng kanyang sariling dugo. Maliban doon, wala nang iba pang tunay. Sa Iglesiang iyon, si Cristo ang Punong Ehekutibo at ang Punong Pastor. Siya ang Pangulo at Ulo. Sa Iglesiang iyon, inilagay ang mga tunay na apostol gaya ni Pedro, ni Santiago, at ni Pablo. Sa Iglesiang iyon, nakalagay ang mga dalisay na turo ng kaligtasan. Kaya kung ninanais ng tao na makapaglingkod sa Dios sa loob ng katotohanan, nararapat lamang na masumpungan siya sa Iglesiang iyon. Ngunit paano? Paano siyang aanib sa Iglesiang itinatag mahigit dalawang-libong taon na ang nakakaraan sa Jerusalem? Paano siyang makakalakip sa Iglesiang kinaaaniban ng mga tunay na apostol ni Cristo? 

Ganito ang sabi ni apostol Juan, 

"Yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay;...
Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo:
At ang mga bagay na ito ay aming isinusulat, upang ang ating kagalakan ay malubos." (I Juan 1:1,2,4)

Paano tayong magkakaroon ng pakikisama o "fellowship" sa mga apostol? Sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kanilang mga isinulat. Kung tayo ay sasalig sa kanilang mga iniaral sa kanilang mga sulat, doon lamang tayo magkakaroon ng pakikisama sa kanila. Sa ganito ring paraan naging kaanib ang mga unang Kristyano, at sa ganitong paraan din tayo magiging kaanib sa kanilang Iglesia. Ang dahilan kung bakit maraming tao ang naliligaw at bandang huli ay nauuwi sa pagkadismaya ay dahil hinahanap nila ang katotohanan sa mga bagay na sumulpot lamang sa ating panahon, sa halip na hanapin ito sa pamamagitan ng pagbabalik sa una. Ang tunay na Iglesia ay hindi nawala, dangan nga lamang ay natakpan ito ng samu't saring mga imbento ng mga taong ang nais ay itayo ang sariling kanila. Ngunit nariyan ang Biblia, nariyan ang sulat ng mga apostol, at ito ang nagsisilbing "access" para makasangkap tayo sa katawang kinasangkapan sa mga apostol. Maraming denominasyon ngayon na ang aral ay labag sa sinasabi ng mga apostol. Mayroon namang nagsihirang ng sari-sariling mga apostol na sinsay ang turo mula sa aral ng tunay na iglesia. Nakakalungkot isipin na sa mga ito hinahanap ng mga tao ang aral ng kaligtasan. Bumalik tayo sa Biblia dahil nandyan ang tunay na aral, ang tunay na Iglesia, at ang mga tunay na hinirang ng Panginoon. Kung lalakip tayo sa mga aral na nakasulat dyan, doon lamang tayo magkakaroon ng "fellowship" sa Iglesiang itinayo ni Cristo sa Jerusalem.